PAUMANHIN: dahil wala pa akong sapat na salapi upang ipalimbag ang mga nilalaman nito.
Kung alam mong gamitin ang iyong imahinasyon sa tamang paraan, swerte ka!
Copyright, 2008, Walang Manlilimbag, Inc.
All Rights Reserved. Walang bahagi ng pahinang ito ang maaaring kopyahin o gamitin sa kahit anong paraan o remedyo, elektroniko o mekanikal, kasama na ang pagpapalimbag o pagtatala, o sa anupamang paraan ng pagkuha ng impormasyon nang walang permiso mula sa manlilimbag (na wala namang eksistensya).
Pagkatapos nang mababaw na artikulo, suungin naman natin ang mas mababaw pang kalaliman.
Malugod kong inihahandog sa inyo ang ikalawang edisyong bunga ng nauna, ANG TOMO UNO, NUMERO DOS (simpleng bersyon: Volume I, Number II) na pinamumunuan hindi ng Punong Patnugot (editor-in-chief), hindi ng mayamang “producer”…kundi ng isang hamak na kamay…na sumusulat…
Dedikasyon: Ang edisyong ito ay para sa mga:
1. unang kapwa ko kamay na napadpad sa “blog” na ito
2. sumunod sa kanya
3. nalugod at tumanggap nito
4. nalugod ngunit pinigilang tanggapin
5. kakutsaba ko (na sa pagkaka-alala ko ay wala)
6. nanlait ng mga artikulo rito
7. at higit sa lahat, sa kamay na kasalukuyang nagbubukas ng pahinang ito
Pito! Hindi sa lahat ng bagay ay nabubuo ang isang “set” ng numero na kinukumpleto hanggang sampu. May “10 Commandments”, “Top 10 sa klase”, 10 mga daliri at kung anu-ano pa. Maiba naman tayo! Hindi rin sa lahat ng oras, “even numbers” ang bida. Sino nga ba ang nagsabi na ang “odd numbers” ay kulang? Hindi sila mabubuo kung hindi sila nagsasama-sama kaya hindi ka pwedeng maghiwalay ng isa.
Iyan ang tinatawag kong kababawan! Ngunit may mas bababaw pa diyan. Tutal ikalawang isyu na naman ito, hanapan na rin natin ang artikulong ito ng kasalukuyang isyu. Heto! Halos lahat ng tao, nais patalsikin ang ating pangulo. Sino pa? Eh di si Pang.GMA. Hindi ako nag-“aadvertise” kasi kilala mo naman na talaga siya. Ang mga tao…”Rally” dito, “rally” doon…”Oust GMA” rito, “pahirap sa masa” roon… Halos lahat ng tao, nais siyang patalsikin sa pwesto. Pasintabi na lang sa mga Yupiyan pero sabihin mo man na lahat ng Yupiyan ay aktibista, hindi naman lahat ay raliyista. Oo, Yupiyan ako pero hindi ako mahilig sa pulitika…at dahil diyan, hinamon ko ang aking sarili upang ako mismo ang magbahagi ng sariling pananaw ko tungkol dito nang walang sadyang pinatatamaan. Nagpapatunay lamang na hindi lahat ng Yupiyan ay nagtuturo ng daliri sa pulitika. Halungkatin nga natin ang pulitika nang malaman mo ang koneksyon nito sa sinasabi kong kababawan.
Bakit kaya ganoon ang mga tao? Pagkatapos iboto ng ipinagmamalaki nilang karapat-dapat na iluklok sa pagkapresidente, papalayasin din nila ito sa kanyang trono. Lahat gagawin para makamit lang ang gusto. Papalitan, magsasaya, maghihirap lang ulit, hahanapan nanaman ng kapalit, magsasaya, malulungkot. Nasa taong bumoto na kung matutuwa o malulungkot siya sa kanyang ipinalit. Parang “Water Cycle Process” lang naman iyan. Simple! Ganito: Ipagdarasal ng tao na umulan para sa mabuting sibol ng kanilang pananim ngunit iniiwasan ang bagyo. Kapag nagpapatalsik naman ng pangulo, gagawin ang lahat para matanggal ito sa pwesto. Kapag nag”evaporate” na ang tubig sa lupa, “evaporate” na rin ang pangulo. May “condensation” pang magaganap upang bumuhos muli ang panibagong ulan. Ibubuhos ulit ang bagong presidente sa harapan ng tao. Nasa tao na kung ano ang mararamdaman nila sa pagbuhos ng ulan. May magagalak ngunit may mga nagluluksa rin sa panahong ito…kasabay ng pagbuhos ng bagong presidenteng inilalantad sa hapag ng tao…sa ayaw at sa gusto nila…
Sino ang nagsabing kapag pulitika na ang pinag-uusapan ay malalim na ito? Sino nga ba ang nagbigay ng partikular na depinisyon ng pulitika bukod sa diksyunaryo? Bakit masasabing malalim ang pulitika kung ito naman ang laging napapansin ng nakararami? Kumbaga, kapag ang tubig sa dram ay umaapaw na, malinaw na malinaw na ang umaapaw na tubig ay ang nasa ibabaw. Ang nasa ilalalim ay ang hindi nakikita, ang hindi naapapansin…Kung gayon, bakit ang laging napapansin ng tao ay ang sinasabi nila mismong malalim na pulitika?
Sino nga ba ang nagpatupad ng tuntunin na ang malalim lang na mga isyu na dapat pagtuunan ng pansin ay ang kontrobersyal na pulitika?
Hindi ako ganoon kababaw upang ikumpara ang “Water Cycle” at “dram” sa “pulitika”. Ang punto ko lamang ay kung bakit nga ba sobra itong ibaba ng mga tao, ibaba ang mga nasa pwesto, palitan sila ng palitan kung sarili nilang kababawan ay hindi nila mahanapan ng kalaliman. Bago pa man umapaw ang dram, di ba mas magandang pakinggan na naisara na ang gripo bago pa man mangyari ito? Responsibilidad ang kalalimang hinahanap ko…hindi lang galing sa mga taong nasa pwesto.
Malalim man o mababaw, lahat dapat pinahahalagahan!
Hindi yung “dive” ka ng “dive”, mababaw pala yung sinusuong mo. Inubos na ng takot ang oras mo sa kahihintay ng sasagip sa iyo, iyon pala may salbabida ka naman sa tabi mo.
Sa mga ganitong sitwasyon, hindi na lamang imahinasyon ang ginagamit. At kung alam mo kung ano iyon…Mas swerte ka!
~sulat.kamay
~!
No comments:
Post a Comment