Saturday, November 10, 2012

Liham Para Kay Mary Jane


Ang sumusunod na telegrama ay hindi kathang-isip lamang. Ito ay katha ng isang kamay na may poot, may suklam, may galit, may hinanakit...ngunit may natitirang kapatawaran...na idinikta ng kanyang puso.

Matagal ko na siyang kaaway. Bata pa ako, lagi ko na siyang sinisisi. Bakit kamo? Mahilig kasi siyang mangwasak ng pamilya...Kasama na ang pamilya ko.

Ibubulgar ko na ang pangalan mo!

Para sa iyo ang liham na ito, Mary Jane
            Kung dati rati nananahimik lang ako, puwes ngayon paprangkahin na kita! Ibubuhos ko na lahat ng sama ng loob na ipinaramdam mo sa akin sa loob ng apat na taon...Sa loob ng apat na taong pagkukubli...pagkabulag! Sa loob ng apat na taong nanirahan ka sa aming tahanan nang hindi alam ni mama...Sa ilang taon ng aking kabataan na sinayang at sinira mo! 

            Minsan na lamang naming makasama si mama. Isang lingo sa isang taon at pagkatapos nun? Tatlong taon ulit ang hihintayin namin para makasama siya. Isang linggong kumpleto sana ang aming pamilya, aagawin mo pa?

            Unang araw kitang nakita, nagulat ako! Ang kapal din ng mukha mo no? Nadatnan pa kita sa kuwarto ko! Gulong-gulo ako noon. Hindi ko alam kung ano ang pakay mo. Hindi ko mawari kung suwerte ka nga ba o malas sa buhay ko. Sumunod na araw, nakita nanaman kita. Ang sabi ni papa, huwag ko raw isumbong kay mama. At dahil wala pa akong kamuwang-muwang sa mundo at nabulag ako ng pagmamamahal ko kay papa, pinagbigyan ko naman kayong dalawa. Nang malaman ni kuya ang tungkol dito, itinikom lang din niya ang kanyang bibig. Dumaan ang lingo...Dumaan ang taon...Nasanay na rin ako. Sanay na akong lagi kayong nadadatnan ni papa...Kayo lang dalawa...Sanay na akong lagi kang nakikita 

            At ilang taon pa ang lumipas, nakalimutan na kami ni papa. Nanirahan kami sa magkaibang bahay. Oo, hindi ko na itinuring na tahanan ang tirahan namin nang mawala siya. Ikaw! Ikaw ang pinili niya at kayo ang nagsama! 

            Sa kabila ng nangyari, pinilit kong hindi magtanim ng sama ng loob kay papa. Sa tuwing nababalitaan kong lulong siya sa alak, dinadalhan ko siya ng pagkain at nang hindi naman puro alak ang laman ng sistema niya. Oo, nasanay ako sa ganoong sitwasyon niya pero kahit kalian, hindi ako napagod na alagaan siya. Ikaw? Nandiyan ka lang naman sa tabi niya kapag may pera siya di ba?! Sampu ng iyong mga kaibigan. 

            Nakalimang taon na, bumalik na sa dati si papa. Mas matimbang na kami kaysa sa’yo. Natauhan na siya at napatawad ko na rin siya. Malaki na rin ako. Ngayon, hindi na ako naguguluhan. Minsan mo nang sinira ang pamilya ko. Subukan mo pang lapitan si kuya. Oo, may sariling pamilya na iyon. Maawa ka naman. Subukan mo pang mangwasak ng pamilya ng may pamilya! Pinapangako ko sa’yo, hanggang kamatayan, ako ang magiging kaaway mo! Kapag ako yumaman, lilipulin ko lahat ng kalahi mo! Minsan mo nang winasak ang pamilya ko. Hindi na kita hahayaan pang wasakin ang pamilya ng iba. Marijuana ka lang! Marijuana ka lang, sampu ng mga ipinagbabawal na gamot na may mas malalakas pang pwersa na kasama mo sa paninira ng iba pang pamilya. Oo, marijuana ka lang at kayang-kaya kitang wasakin!



 Lubos na pinagkakautangan mo ng iyong buhay, 
sulat.kamay


No comments: