Isang likha para kay lola~
"RED is the color for the month of love.
RED is the color for Valentine's...
But I was wondering, why should RED be the color for love when in fact,
RED means bleeding...RED means pain?"
BLACK...Ang pinakaunang bagay na naaalala ko kay lola ay ang kulay ITIM. Noong nasa elementarya pa lamang ako, inabutan ko siya ng ITIM na damit nang magbibihis na siya. Sabi niya,"Ampay NANGISIT? Awan langarud ni lolo mun, ampay agbadu ak pay lang ti NANGISIT?" Mula nang pumanaw si lolo, ayaw nang magsuot ng ITIM ni lola. Tapos na raw ang pagluluksa niya. Nang pumanaw si lolo, nagluksa man si lola...nahirapan man si lola...nagpatuloy naman siya sa buhay. Doon ko nakita kung gaano kalakas si lola...Kung gaano siya nagpakatatag para sa kanyang mga anak...para sa kanyang mga apo. Kailanman, hindi niya kami iniwan.
WHITE... Kapag nakahiga na ako sa kuwarto, anumang oras, may biglang kakatok. Bubukas ang pintuan at papasok si lola habang inaabot ang isang piraso ng karayom at PUTING tali ng sako."Iyubun mo man datu'y nakong ta nabiit lang kinka ata", sabi ni lola habang nakangiti... Habang lumalaki ako, nakikita ko na si lolang nagtatahi. Kapag nananahi si lola, ayaw niya ng bagong "straw", gusto niya "recyclable". Pinagtyatyagaan niyang mamulot ng mga "straw" pagkagaling sa simbahan. Masaya ako dahil may iniwan sa akin si lola. Hindi ko man natutunan ang paggawa niya ng "BANIG", nahiligan kong manahi ng kung anu-anong gamit mula sa mga patapon nang bagay. Natutunan kong magpahalaga sa mga bagay, bago man o luma...Hanggang sa huling araw ni lola, pinipilit niyang gumawa ng "BANIG" kahit naginginig na ang kanyang mga kamay. Sa mga huling araw ni lola, pinipilit niya ring maghanap ng PUTING tali ng sako upang gamiting panahi pamalit sa sinulid. Kay lola ko natutunan na kapag gumawa ka ng isang bagay, kailangan mo itong tapusin. Sa buhay, kailangan marunong kang magpursigi.
BLUE... Naalala ko noong naiwan kami ni lola sa bahay. Dalawa lang kaming natira noon kasi may pinuntahan sila tita. Pinabantayan sa'kin dahil baka tumakas nanaman, baka lumabas nanaman gayong may sakit siya at baka mawala pa. Nagulat na lang ako nang makita ko siya sa hagdan sa likod ng bahay, pagkatapos tumalon sa kapitbahay kina lola Ritang. Hinabol ko siya sa kanto kasi mabilis siyang maglakad. Kalakasan pa lang niya nang mga panahong iyon. Dahil pinipigilan ko siya, pinalo niya ako ng ASUL na payong sa balikat kasi nga gusto raw niyang magsimba. Maka-Diyos si lola. Araw-araw na namumulat ako, babati siya ng "Goodmorning balong. Merry Christmas for you and to all" o kaya naman ay "Goodmorning neneng. Bumangon na kayo at magsimba tayo." Madasalin si lola. Sa bawat pagharap niya sa hapag-kainan, maririning namin sa kanya ang dasal niyang "Apo Diyos Ama...". Kailanman, hindi siya nakalimot sa Diyos dahil kahit hirap na siya at hindi makahinga, pinipilit pa rin niyang magdasal sa harap ng hapag-kainan...Nalulungkot ako dahil hindi ko na maririnig ang dasal niyang iyon sa paggising ko sa bawat araw. Wala nang kakatok tuwing pananghalian at magsasabing "Baba na kayo at sabay-sabay tayong kumain." Wala nang kakatok tuwing gabi na tuwing nakikitang nag "rereview" kaming mga apo niya, sasabihing "Rabiin, maturog tayon." Kapag nagsasalita si lola, laging may "tayo". Lagi niyang iniisip ang kapakanan ng ibang tao bago ang sarili niya. Naisip ko tuloy, kung dating naiiwan kang mag-isa sa bahay, may lola pa rin na andiyan upang iparamdam sa'yo ang seguridad. Paano na kaya ngayong wala na si lola?
PINK... Nagtataka siguro ang ibang tao kung bakit PINK ang gamit naming "ribbon" sa pagluluksa kay lola at hindi BLACK? Bago pumanaw si lola, hiniling daw niya sa mama ko na kapag nawala siya, gusto niya PINK lahat. Hangga't maaari, lahat ng paborito niyang damit na kulay PINK ay isama sa kanyang kabaong. Hanggang sa pag-alis niya, iniisip pa rin niya ang kapakanan ng iba. Ayaw niya tayong malungkot. Ayaw niya tayong magluksa. Gusto niya "peaceful" ang lugar. Pumanaw siya sa buwan ng Pebrero. Buwan ng pagmamahalan. Gusto niyang mapuno ng pagmamahalan ang tahanan.
COLORS... Why am I talking about COLORS? Ang mga KULAY na nabanggit ko ay ang mga KULAY na makikita natin sa mga nagawang "BANIG" ni lola bukod sa ITIM. Gusto ni lola, matitingkad na KULAY. Gusto ni lola, masaya. Habang sinusulat ko ito, sinusulat ko 'to sa kama ni lola. Sa ibabaw ng "BANIG" na hinihigaan ni lola. Pumanaw si lola nang hindi nakahiga sa kama niya. Sa "folding bed" siya nakahiga. Hanggang sa huling sandali, ayaw niyang maalala natin ang mga malulungkot na araw habang narito siya. Marahil gusto niya na kapag napatingin tayo sa mga "BANIG" na nagawa niya, maalala natin ang mapag-aruga at mapagmahal na mga kamay na gumawa ng mga "BANIG" na iyon. Sa bawat paghiga ko sa "BANIG" ni lola, nararamdaman ko ang yakap at haplos ng isang ina, ng isang lola kaya mahimbing ang tulog ko kapag nakahiga sa "BANIG" na gawa niya.
KULAY... Bakit natin pinag-uusapan ang KULAY? Dahil sa KULAY, nararamdaman ko ang presensiya ni lola. Hindi kailanman nawawala ang KULAY. Kahit saan ka tumingin, may KULAY. Sa pamamagitan ng mga KULAY, naipaparamdam ni lola ang kanyang pagmamahal.
"From now on, I see the month of love in a different light.
Unlike RED, PINK is unconditional.
PINK never cause bleeding...
PINK never causes pain...
PINK is delicate...
PINK is gentle...like the delicate and gentle hands of a caring and loving woman.
PINK is LOVE."
"...Because PINK never causes bleeding... PINK never causes pain..."
~sulat.kamay
No comments:
Post a Comment